top of page
Search

Scintillation #1: “Elpida”

  • Writer: Project Luminescence
    Project Luminescence
  • Dec 2, 2019
  • 3 min read

Updated: Apr 20, 2020

Scintillation Work 1

Title: Elpida

Writer: Querencia

Notes by the Project Luminescence Team: This work was written and submitted to us in Filipino. Unfortunately, we cannot provide an English translation for our readers who do not understand Filipino.


ree

~

BUMUNTONG HININGA ako at hinayaan ang sarili na lukubin ng sariwang hangin na dala ng mga bulaklak at puno sa paligid. Mula sa aking kinatatayuan, natatanaw ko ang makunig na lapida na pinalilibutan ng puting sabong ng Hawthorn.


Ilang buwan naming sinuyod ang bansa para lamang matagpuan siya at ang mahanap ang lugar na ito ay isang tagumpay na matagal ko nang minimithi.


Humakbang ako nang paunti-unti, sinusulit ang bawat tapak sa damuhan, patungo sa taong binuhay ng aking isipan ngunit matagal na palang namayapa’t nanimdim. Sinariwa kong muli ang mga alaala naming dalawa na sa lahat ay ‘di minsang naramdamang isa lamang kathang isip.


Malayang lumandas ang aking mga luha sa pisngi. Kasabay nito’y dumaloy at tuluyang hinagkan ng aking sistema ang himaymay ng mga katotohanang ‘di ko lubos mapaniwalaan noong una pa lamang hanggang sa ngayon.


Nang sa wakas ay makarating sa tapat ng lapida, naupo ako at mapait na napangiti.


In loving memory of

Elpida N. Pasithea

February 03 1967 – August 12, 1986


Lumamig ang paligid at humampas sa akin ang nakagiginhawang hangin. Nanginginig man at nanlalamig ay hinaplos ko ang bawat letra ng kanyang pangalan na detalyado at maingat na inukit.


“Marco? Anong ginagawa mo rito?”


Napapikit ako nang muling marinig ang kanyang tinig.


Elpida. Iyon pala ang tunay niyang ngalan.


Minsang sinabi ng aking ina na ang aking reyalidad ay naiiba sa katotohanan ng lahat. Simula pa lamang ay alam kong may sakit ako ngunit hindi ko alam kung ano ito hanggang sa makilala ko si Elpida sa isang hardin na malapit sa aming paaralan noong ako ay labing tatlong gulang. Ela ang pagkakakilala ko sakanya. Homeschooled at nasa abroad ang mga magulang kaya naman puro katulong ang nag-aalaga sakanya. Araw-araw, pagkagaling sa eskwela, pupunta ako sa hardin upang magkita kami at magbahagian ng kanya-kanyang mga karanasan. Sa walong taon na pinagsamahan namin, hindi ko akalaing hinulma lang pala siya ng isang malaking imahinasyon ko sa aking isipan.


Tumayo ako at pumihit paharap sa kanya. Nakangiti siya at nakalalamang iyon sa lahat ng matitingkad na halaman sa paligid. Marahil ay ang siglang ipinamamalas nito ang bumihag ng aking loob at isang malaking rason kung bakit tila kay hirap niyang bitawan maging ang mundong ginawa ng aking isipan kasama siya.


“Elpida…” Sambit ko.


Sa reyalidad na walang ibang ginawa kundi husgahan ang aking pagtingin sa katotohanan, siya ang nagbigay sa akin ng pag-asang ipagpatuloy ko pa ang buhay. Naniwala siyang hindi hadlang ang kaibahan ng aking pagtingin sa mundo para malagpasan ang lahat ng hamon ng buhay. Binago niya ang pananaw ko sa mas makabuluhang paniniwala.


Ngunit kalakip ng paniniwalang iyon ay ang aking pagtanggap na marahil ay hinubog ng aking isipan ang pag-asang pilit kong hinahanap sa isang taong makakasama ko sa lahat ng oras na tila walang kayang sumalba sa aking pagkalugmok. Sa isang taong kung tutuusin ay ako rin mismo. Si Elpida ang aking naging instrumento upang kahit papaano ay maitawid ko ang lahat ng sakit na pasan ko sa husga ng mga tao sa paligid ko.


Ngunit tama na. Sapat na ang lahat ng pagninilay ko para malaman na kailangan ko na siyang bitawan at tapusin ang pamumuhay sa kathang isip kong ito.


Bumuhos muli ang aking luha at diretsong tumingin sa kanyang mga mata. Bago tuluyang kumupas ang kanyang mukha at manatili na lamang na alaala sa aking isipan ay iminutawi ko na ang mga salitang tatapos sa aming storya.


“Elpida, maraming salamat sa lahat. Pinalalaya na kita.”


~

Want your work featured on our website and social media pages? To submit a work, just fill out the form linked here (bit.ly/scintillation-form). Please note that accomplishing this form does not ensure that your work will be featured. All works will be reviewed by the Project Luminescence team prior to posting.

 
 
 

Comments


bottom of page